this piece was written about a year ago... my first attempt to write in Filipino in a foreign land.
Google ang paborito kong website. Mula nong ipinakilala sa akin ng kaibigan ko ang Google, nahulog kaagad ang loob ko dito. Ito na nga ang homepage ko e. Sa desktop ko sa bahay, sa trabaho at sa laptop ko. Google dito, Google doon. Kahit saan Google.
Google na ang naging katuwang ko sa mga panahong kailangan kong magresearch. Minsan nagresearch ako tungkol sa ancient Filipino script. Ginoogle ko ang salitang “Alibata.” Mantakin mo ba namang lumabas ang kay daming websites kung saan ako makakakuha ng impormasyon tungkol sa ancient script natin. Ang galing talaga ng Google.
Minsan may naging textmate ako. Mga 3,000 miles ang layo ko sa kaniya. Nandito kasi ako sa California at siya naman sa Florida. Ang sarap niyang kausap. Akala ko nga noong una mahuhulog na ang loob ko sa kaniya. Kaya minsan, ginoogle ko siya. “Keith Daniels.” Nagulat ako nang lumabas ang address at telephone number niya sa Google! Ang galing talaga! Patuloy pa akong nag-search hanggang sa nakuha ko ang ilan pang detalye sa buhay niya. May bahay na pala siya. Nalaman ko rin kung magkano ang market value ng bahay niya. Nakuha ko pa ang mismong receipt number nong nagbayad siya ng property tax. Namamangha talaga ako sa Google.
Naalala ko tuloy yong roommate ko noong college. Halos 7 years na rin mula noong huli kaming magkita. As usual, ginamit ko na naman ang kapangyarihan ng Google. Lumabas ang mga link na siya namang pinindot ko. Aba, nag-asawa na pala ang bruha. English na ang last name niya. Dahil sa Google, nakuha ko ang address at telephone number niya. 20 miles lang ang layo niya sa akin! Suwerte talaga. Manghang-mangha nga siya kung paano ko nakuha ang address at telephone number niya.
Bilib talaga ako sa Google. Isa siyang mahusay na search engine. Puwede din siyang dictionary, calculator at kung anu-ano pang functions. Pero paborito ko talaga ang search function nito. Dahil sa Google, natagpuan ko muli ang ilang mga kaibigang matagal ko nang hindi nakakausap. Natutunan ko rin ang maraming bagay dahil sa Google. Kung ililista ko lahat e baka mabagot ka sa pagbabasa.
Kaya lang bakit kaya ilang taon ko na ring ginogoogle ang pangalan mo pero lagi pa ring walang resulta. Lagi na lang, “Your search - "R. Guerrero " - did not match any documents.” Ito pa nga ang suggestions ng Google:
- Make sure all words are spelled correctly.
- Try different keywords.
- Try more general keywords.
Sinubukan ko na ang lahat ng kombinasyon. Full name mo, first name initial at buong last name, full name kasama ang pangalan ng alma matter mo. Wala talaga. Ang ilap mo talaga sa Google. Alam ko Engineer ka na ngayon kaya sinubukan kong idugtong ang “Engr.” sa pangalan mo. Wala talaga. Halos lahat ng mga old friends ko nahanap ko na sa pamamagitan ng Google. Kahit yong mga crush ko noong college nakita ko sa Google. Bakit kaya ikaw hindi ko mahanap? Ikaw pa naman ang first love ko. Ikaw talaga ang hinahanap ko. 9 years na mula noong na love at first sight ako sa yo at ikaw sa akin. At 7 years na rin mula noong nawala kang parang bula. Isang bilin lang ang iniwan mo na pinasabi mo sa kaibigan ko. Mahal mo ako at babalikan mo ako balang araw. Matutuwa na sana ako nong sinabi yon ng kaibigan ko pero narealize ko kung gaano kalabo ang bilin mo.
Sinubukan kong ibaon ka sa limot, pero lately, madalas ka talagang sumagi sa isip ko. At tuwing sumasagi ka sa isip ko, Google ang karamay ko. Sa opisina, sa bahay, sa cafe. Para akong isang desperadang nababaliw sa Google. Paano kasi, Google na lang ang kaisa-isang pag-asa ko para mahanap ka. Hanggang ngayon kasi, mahal pa rin kita.
Teka, baka naman may asawa ka na. Hmmmm, mai-Google nga.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home