Binago Ng Aking Mundo
Habang nagmamaneho ako papuntang trabaho kaninang umaga bigla kong naramdaman na talagang marami na ngang nagbago sa akin. Habang ako’y nakaupo sa gitna ng trapik sa tulay, napagtanto ko na hindi na lamang ang aking mundo ang nagbago kundi binago na rin ako ng aking mundo.
Lumaki ako sa magpakalingang tradisyon ng aking mga magulang. Sa kanilang palad ako’y pinakain, pinalaki at pinag-aral upang makamit ko ang tagumpay na inasam nila para sa akin.
Sa ilalim ng bughaw na kalangitan at sa gitna ng mga luntiang kabukiran, ako’y lumaki at nagkamalay. Araw-araw na naglakad gamit ang tsinelas na Spartan sa maputik o di kaya’y maalikabok na daan papuntang iskuwelahan. Ilang beses na hinabol ng mga matatapang na aso at ng mga naglalakihang baka na aking kinatakutan. Nagtanim ng kamatis at talong at tiniis ang nakalalasong amoy ng dahon ng tabako.
Dito ako lumaki at nagkamalay, sa isang maliit na bayan ng Hilagang Luzon. Lumaki ako sa mga tradisyong akala ko noon ay magpakalinga ngunit sa aking paglisan ay napagtanto kong marami sa kanila’y nakakasakal at mapang-api.
Araw-araw akong nagdarasal noon. Humahalik sa kamay ng mga nakatatanda. Naniwala din ako noon na mahalagang ingatan ang pagiging birhen hanggat hindi pa kinakasal. Naniwala akong “ang pag-ibig ay magpakailanman.” At kahiyahiya ang hiwalayan ang asawa. Hindi rin ako umiinom noon ng beer o alak o anumang klase ng alcohol dahil taliwas daw ito sa turo ng banal na kasulatan.
Nagdarasal pa din naman ako at humahalik pa rin ako sa kamay ng mga nakatatanda. Ngunit laking gulat na lamang ng aking tiyahin noong ako’y huling umuwi. Wala, walang nagbago sa aking anyo. Bitbit ko pa rin ang taba sa aking baywang at ang mga binti ko’y kasinlaki pa rin nong ako’y umalis. Ngunit habang nagkukuwentuhan kami sa veranda ng bahay ng aking tiyahin, nabanggit ng pinsan ko na may boypren na raw siya. Di ko napigil na sabihin sa kaniyang mag-ingat siya. Na hangga’t maari’y iwasan ang sex, hindi lamang dahil sa posibilidad na mabuntis sa maling pagkakataon kundi dahil rin sa HIV, AIDS, Herpes at iba pa. At sa huli ay idinagdag ko, “Ngunit kung sakaling hindi na kayo makapagpigil, siguraduhin mong gumamit kayo ng condom. Better safe than sorry.” Siyam na paris ng mata ang biglang tumitig sa akin.
Ah, nakalimutan ko, wala pala ako sa Amerika. Sa ilang saglit ay nakalimutan kong pansamantala pala akong nagbalik sa mapagkalingang lugar na aking kinalakihan. Nakalimutan kong ang aking mga pinsan at pamangkin ay nabubuhay pa rin ayon sa mga tradisyong akin nang kinalimutan. Nakalimutan kong ang aming mga magulang at mga tiyuhin at tiyahin ay hindi pa handa, at kahit kailan siguro ay hindi itatakwil ang mga nakasasakal na tradisyong bumabalot sa kanilang kaisipan.
Tumahimik ang lahat. Naramdaman ko ang hiya. Ngunit ipinaalala ko sa aking sarili na tama ako. Tama lamang na tapusin na ang kamangmangan at pagbabalat-kayo.
Pagkalipas ng ilang oras, kinailangan ko nang ipaalam sa aking buong angkan ang bagong ako. Hindi ko alam kung paano mag-umpisa. Natakot ako, nakaramdam ako ng alinlangan na baka ako’y itakwil nang ilan sa aking pamilya.
“Sa susunod na pagbalik ko, akoy dalaga na ulit.”
Katahimikan.
“Hindi ako nakatayo dito upang magyabang, kundi humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat dahil hindi ko natamo ang mga bagay na inyong inaasahan. At sa mga nakababata kong pinsan, huwag niyong sundan ang mga yapak na aking iniwan kundi mag-aaral kayo sa aking mga pagkakamali.”
Umiyak ako. Nag-iyakan kaming lahat.
Parang isang tonelada ang nawala sa aking dibdib noong nasabi ko na sa kanila tungkol sa aking )divorce. At sa kabila noon, naramdaman ko pa rin ang buong puso nilang pagtanggap sa akin.
Ah. Kahit pala marami nang nagbago sa akin, may pamilya pa rin pala akong masasandalan. Salamat na lang at hindi pa nawawala ang pagpapahalaga sa pamilya. Isang tradisyon na kahit kailan ay hindi ko tatalikuran.
Eto na ako ngayon. Umiinom na ako ng alcohol (bagamat malimit lamang.) Hindi ko na ikinahihiya ang divorce. Sa katunayan, kung may mga Pilipinong nagtatanong kung single pa ako, taas-noo kong sinasabing, “Hindi po. Divorced po ako.” Pwede ko rin namang sabihing single ako ngunit nakakaaliw tingnan ang mga reaksiyon sa kanilang mukha, lalo na kung sila’y nakatatandang kaibigan ng aking nanay.
Dati rin akong Pro-life. Ngunit ngayon ay Pro-Choice na. Pro-Choice ngunit laban pa rin ako sa Death Penalty. Dati ay naniniwala ako na kailangang ingatan ang pagkabirhen. Ngayon ay naniniwala na akong mahalagang i-test drive muna ang makina. Noon, hindi ko matanggap ang mga nag lilive-in at nagse-secret marriage. Pero kung tatanungin niyo ako ngayon, hindi na ako naniniwala na ang kasal ay para sa lahat. Naniniwala akong puwede kong mahalin nang habambuhay ang aking kasintahan kahit walang kontratang lalagdahan. Naniniwala akong wala sa papel ang tagumpay ng pag-iibigan. Naniniwala din akong kahit kailan ay hindi kayang ipagtanggol at iligtas ng isang kontrata ang inaanay at bulok nang relasyon.
Ngunit aaminin ko, masarap pa rin ang mangarap. Singsing na may batong diyamante, rosas at mga halik sa takip-silim. Mga bata sa duyan, siya at ako magkawak kamay habang nakatanaw sa araw na palubog sa karagatan.
Ngunit...
Eto na ako ngayon...
Ako sa bagong mundo...
At ako na binago ng aking mundo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home